Makikipagtulungan ang Private Sector Advisory Council (PSAC) sa administrasyong Marcos para sa paglikha ng 2-M direct jobs sa susunod na limang taon.
Sa pakikipagpulong sa Malakanyang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inilatag ng PSAC at ng IT & Business Process Association of the Philippines (IT-BPM) ang proposed roadmap kung saan nakikita ang Pilipinas na magiging isang global leader sa digital domain.
Mahigit 1-M trabaho sa IT-BPM sector ang inaasahang malilikha nito hanggang sa taong 2028.
Ito umano ay magbubunga ng pagsigla sa iba pang sektor, at nakikitang lilikha rin ito ng nasa 6.3-M indirect job opportunities sa food, logistics, real estate, retail, at transportation.
Layunin din nitong makapag-ambag ng P169-B na annual personal income tax, at 8.9% na paglago sa gross domestic product ng bansa.
Samantala, ini-rekomenda naman ang paglalaan ng scholarship funds sa IT-BPM training and upskilling, para sa target na makapagsanay ng 500,000 indibidwal.
Hiniling din sa Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority ang pagpapalakas ng enterprise-based training programs kabilang ang pagpapalawig ng senior high school immersion, tungo sa pagtataguyod ng mas mataas na antas ng edukasyon at internships. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News