Suportado ng bansang Germany ang muling pagbuhay ng negosasyon para sa Free Trade Agreement o malayang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at European Union.
Sa presentasyon ng kanyang credentials kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inihayag ni German Ambassador to the Philippines Andreas Michael Pfaffernoschke na isinusulong mismo ng Germany ang free trade, at interasado ang mga negosyante sa kanilang bansa sa mga panibagong ideya at oportunidad.
Sinabi pa nito na mas lalakas pa ang people-to-people relations ng dalawang bansa kung mas marami pang Filipino skilled workers ang ipadadala sa Germany, at gayundin ang Germans na pupunta ng Pilipinas.
Iginiit naman ni Pangulong Marcos na ang trade relations ng dalawang bansa ay naging mahalagang bahagi na ng global growth at economic stability.
Pinuri rin nito ang presensya ng overseas Filipino workers sa Germany na nagbigay-daan umano sa Pilipinas para sa pagpapalakas ng relasyon sa nasabing European country.
Idinagdag pa ni Marcos na hindi na balakid sa ngayon ang distansya dahil sa pag-usbong ng teknolohiya at komunikasyon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News