Hinimok ni Senador Chiz Escudero ang economic team ng gobyerno na payuhan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Agriculture (DA) na huwag nang ianunsyo ang dami ng aangkating bigas ng bansa dahil itutulak nito pataas ang world market prices.
Sa budget briefing sa Senado, sinabi ni Escudero na tanging Pilipinas at wala nang ibang bansa ang nag-aanunsyo ng kakapusang suplay ng bigas.
Idinagdag ng senador na bilang mga ekonomista, alam ng economic team na malaki ang epekto ng pag-aanunsyo ng kailangan nating suplay sa bigas bago pa tayo umangkat.
Kung hindi anya mapipigilan ang pag-anunsyo, mas magandang gawin ito matapos makakontrata na ang bansa ng supplier.
Minsan anya ay ginagawa pa ang pag-anunsyo sa mismong State of the Nation Address na dinadaluhan ng mga ambassador ng Vietnam, Thailand at iba pang bansa na makapaghahanda na para itaas ang kanilang presyo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News