Napapanahon ang pagtatalaga kay dating DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr. ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang Special Envoy for Special Concerns to the People’s Republic of China.
Ito ang binigyang-diin nina Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri at Senador JV Ejercito.
Sinabi ng dalawang senador na naaangkop si Locsin sa posisyon dahil dati siyang kalihim ng Department of Foreign Affairs, dating mambabatas at isang abogado.
Ipinaliwanag ni Zubiri na malaking ambag ang expertise ni Locsin at familiarity sa mga lider ng China sa pagharap sa problema ngayon sa West Philippine Sea.
Napatunayan na rin anya ang loyalty ni Locsin sa kanyang mga inihaing diplomatic protests laban sa China.
Sinabi naman ni Ejercito na kilala rin si Locsin bilang troubleshooter noong nanunungkulan bilang DFA Secretary
Iginiit pa ng senador na maganda ang timing ng pagtalaga kay Locsin dahil patuloy ang panghaharass at pambubully ng China sa WPS.
Mahalaga anya na manatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa harap ng patuloy na isyu laban sa China.
Si Locsin na kasalukuyang ambassador ng UK at Northern Ireland ay magsisilbi din bilang Special Envoy for Special Concerns sa China para mapalakas ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at China –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News