Kinuwestyon ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang napakalaking proposed budget para sa flood control program sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa budget briefing sa Senado, sinabi ni Escudero na ang P255-B Proposed Flood Control Project ng DPWH ay mas malaki pa sa proposed budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of National Defense (DND).
Tanong pa ni Escudero na kung mahalaga ang food security at ang agrikultura sa gobyerno, bakit mas malaki pa rin ang pondo para sa flood control programs kumpara P181-B na pondo para sa agriculture sector.
Ikinagulat naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang hindi pagkakasama sa isinumiteng National Expenditure Program ng P10-B pondo para sa paggawa ng 60-kilometer floodway sa Central Luzon.
Dismayado si Villanueva dahil ang floodway project ang ipinagmalaki ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na solusyon sa problema sa pagbaha sa mga lalawigan sa Central Luzon.
Sinabi ni Villanueva na sawa na siya sa mga feasibility study para sa pagbalangkas ng solusyon sa pagbaha subalit tila hindi pa rin maisasakatuparan ang sinasabing floodway.
Nangako naman ang senador na sa pagsalang ng budget ng DPWH sa pagdinig ay kanya muling itatanong kay Bonoan ang proyekto at iba pang mga solusyon sa pagbaha. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News