Iginiit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pangangailangang isulong ang Salary Standardization Law 6 (SSL 6) para mabigyan ng dagdag-sahod ang mga manggagawa ng gobyerno.
Sa budget briefing sa Senado, kinumpirma ni National Treasurer Rosalia de Leon, may P16.95-B sa proposed 2024 National Budget ang inilaan nila para sa dagdag na sahod.
Ayon kay Go, nagtapos na noong nakaraang taon ang implementasyon ng Republic Act 11466 o ang Salary Standardization 5 kaya’t isinusulong niya ang SSL 6 bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Idinagdag naman ni de Leon na patuloy pa ang pag-aaral kaugnay sa pangangailangan ng dagdag na sahod para sa mga manggagawa at inaasahang matatapos ito sa buwan ng Oktubre.
Gayunman pag-amin ng opisyal, kukulangin ang P16.95-B na pondo kung sakaling maaprubahan ang SSL 6 subalit mayroon naman anya silang mapagkukunan ng kulang na budget kung sakali. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News