dzme1530.ph

Pananahimik ng Arroyo administration sa isyu ng West Philippine Sea, kinuwestyon!

Kinuwestyon ni Senador Jinggoy Estrada ang pananahimik ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa mga isyu kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Estrada na matapos ang administrasyon ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada at pumalit ang Arroyo administration, naging kapuna-puna ang pananahimik sa WPS sa siyam na taong pamumuno nito.

Sinabi ni Estrada na dapat ay ipinagpatuloy ng Arroyo administration ang momentum na sinimulan ng kanyang ama sa paggiit sa soberanya ng bansa sa WPS.

Tiyak anya siya na sa ilalim ng Arroyo administration ay nagkaroon ng ilang bilateral talks sa Shanghai na nagresulta sa paglagda sa mga kasunduan na may kinalaman sa turismo at pagbubukas ng bansa para sa Chinese investments.

Muling kinontra ni Estrada ang pahayag ni dating Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao at iginiit na walang kasunduan sa pagitan ng Estrada administration at Chinese government upang alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Tinawag pa nitong istupido si Tiglao at muling hinamon na pangalanan kung sinu-sino ang nagkaroon ng kasunduan para sa pagtatanggal sa BRP Sierra Madre.

Nanindigan ang senador na ang presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay testamento ng ating commitment sa pagdipensa sa karapatan ng bansa sa teritoryo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author