Nais ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na busisiin ng Senado ang implementasyon ng Expanded Solo Parent Welfare Act.
Sa kanyang Senate Resolution 730, nais ni Go na i-convene ang Joint Congressional Oversight Committee on Solo Parents upang makapagbigay ng update sa implementasyon ng batas.
Ito ay kasunod ng mga impormasyon na maraming Solo Parents ang hindi naman nakatatanggap ng benepisyo at pribilehiyong nakasaad sa Expanded Solo Parent Welfare Act.
Kabilang dito ang monthly subsidy para sa mga solo parent na minimum wage earners at 10% discount at VAT exemption sa essential childcare products para sa mga kumikita ng P250,000 kada taon.
Iginiit ni Go na kung hindi maipatutupad nang maayos ang batas ay wala rin itong saysay.
Sinabi ni Go na nais din niyang mapakinggan ang mga lokal na pamahalaan na nahihirapan silang makakuha ng sapat na pondo sa pagpapatupad ng batas.
Inihayag ng senador na naiparating na rin niya kay Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children and Family Relation ang kanyang resolusyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News