Dumipensa ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) kaugnay sa ulat na pang-walo ang NAIA sa worst airport sa buong Asia.
Paliwanag ng MIAA, may mga peak hours sa iba’t-ibang terminal sa NAIA kung saan nagdadagsaan ang mga pasahero dahilan para magkaroon ng mahabang pila sa paliparan.
Inihayag ni MIAA Public Affairs Office head Connie Bungag, na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang suhestyon o reklamo ng mga pasahero na dumadaan sa NAIA.
Hindi tumitigil ang pamunuan na gumawa ng paraan para maibsan ang sinasabing mahabang pila ng mga pasahero.
Patuloy din aniya ang koordinasyon nila sa Bureau of Immigration (BI) at Office for Transportation Security na nagsasagawa ng final security check point na itinuturong may mahabang pila sa NAIA terminals.
Dagdag ni Bungag, sa katunayan nadagdagan na ang counters ng BI upang maibsan ang madalas na reklamong mahabang pila ng mga pasahero
Nabatid na sa pag-aaral ng CASAGO, nakuha ng NAIA ang ika-walong pwesto sa Worst Airports sa Asya habang nanguna naman ditto ang Kuwait International Airport at sinundan ng Dalaman Airport sa Turkey. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News