Bagama’t suportado ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang digital campaign ng gobyerno laban sa fake news, nagbabala naman siya sa planong pagkakaroon pa ng hiwalay na learning module o subject sa paaralan para rito.
Sinabi ni Escudero na dapat araling mabuti at magsagawa muna ng konsultasyon kung kailangan pang maisama ito sa curriculum.
Ang pahayag ni Escudero ay kaugnay sa planong media literacy campaign ng Presidential Communications Office (PCO).
Una rito, inihayag ng PCO na magsasagawa sila ng kampanya laban sa disinformation sa pamamagitan ng memorandum of understanding (MOU) sa social media platforms tulad ng Facebook, YouTube at X.
Magiging katuwang sa kampanya ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para sa media literacy subjects.
Sinabi ng senador na ang mas dapat na maging kapartner sa kampanya ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Madalas anya ang mga fake news ay nasa iba’t ibang social media platforms at dahil sa internet, bawat isa ay maaaring pagmulan na ng impormasyon kahit anumang edad. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News