Nanindigan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa probisyon ng ipinapanukalang mandatory ROTC na isama ang mga babaeng estudyante sa kolehiyo.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na sa panahon ng giyera, hindi naman namimili ang kalaban ng kasarian na kanilang tatargetin kaya’t dapat handa rin ang mga babae na lumaban.
Maging ang mga sakuna anya ay hindi rin naman namimili kung lalaki o babae ang maaapektuhan.
Kaya naman dapat lamang na preparado at well-trained din aniya ang mga babae na tumugon.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na nararapat din na bigyan ng pantay na pagtingin at pagkakataon ang mga babae na dipensahan ang ating bansa gayundin na matutuhan nilang tumugon sa oras ng kalamidad.
Hindi rin naman exempted ayon kay dela Rosa ang mga LGBTQIA+ sa isinusulong nitong mandatory ROTC Program. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News