Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng 22 proyekto sa ilalim ng Manila Bay Reclamation.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Environment Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga na suspendido ang lahat ng proyekto habang ang mga ito ay isinasailalim sa review.
Sinabi pa ni Loyzaga na may hawak na siyang kopya ng suspension order, at epektibo na umano ito mula pa noong i-anunsyo ito ng pangulo.
Ibinahagi din ng kalihim na nilinaw na sa kanya ng Pangulo na ang lahat ng proyekto ay suspendido, taliwas sa unang sinabi ni Marcos na may isang proyekto ang hindi sinuspinde.
Ilan sa mga titingnan sa review ay ang epekto ng Manila Bay Reclamation sa lipunan at kapaligiran at aalamin kung ang mga ito ay may paglabag, sa harap na rin ng kabi-kabilang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar na nakaharap sa Manila Bay. –sa ulat in Harley Valbuena, DZME News