dzme1530.ph

Sen. Villanueva, tiwalang makababawi uli ang employment rate sa mga susunod na buwan

Sa kabila ng pagbaba ng employment rate nitong Hunyo, kumpiyansa pa rin si Senate Majority Leader Joel Villanueva na malaki pa rin ang potensyal ng bansa sa mga susunod na buwan at taon.

Tinukoy ni Villanueva na malaki ang oportunidad na makukuha sa mga pledges para sa big ticket investments na nakuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang paglilibot sa iba’t ibang bansa.

Ipinaliwanag ng senador na maraming bagay ang nakakaapekto sa unemployment rate sa bansa kasama na rito ang seasonality of jobs, climate change, global trends, at iba pa.

Iginiit ng mambabatas na sa simula ng taon, nanawagan siya sa pamahalaan na paghandaan na ang 1.5-M graduates na sasanib na rin sa workforce.

Dapat din anyang isaalang-alang ang pagpasok ng mga bagong teknolohiya, kaya’t dapat bigyang diin ang pangangailangan para sa upskilling, reskilling at retooling ng mga manggagawa.

Ito anya ang dahilan kaya’t isinusulong niya ang Comprehensive National Employment Master Plan para maging magkaugnay ang labor and employment policies sa economic policies. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author