Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Immigration (BI) na sampahan ng kaso ang mga hukom na nag-utos na i-release o pakawalan ang ilang mga dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Las Piñas City na ni-raid kamakailan ng mga pulis dahil sa alegasyong human trafficking.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na apat na korte o hukuman sa nasabing lungsod ang pumabor sa Habeas Corpus petitions na inihain ng foreign employees at ito ay tinawag niyang Gross Ignorance of the Law.
Iginiit ng kalihim na sakaling may dayuhan na nahaharap sa paglabag sa Immigration Law ay dapat na isailalim sa ilang mga kondisyon bago pagbigyan ang Habeas Corpus petitions.
Ang Habeas Corpus ay isang judicial remedy o paraang ligal para atasan ang sinuman tulad ng government official o ahensya ng pamahalaang may hawak sa kustodiya ng isang tao na ipresenta sa hukuman ang suspek o petitioner at ipaliwanag ang ligal na basehan kung bakit nila ito pinipigilan o ikinustodiya. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News