Idineklara ng 12th City Council of Manila ang Filipino drag artist na si Amadeus Fernando Pagente o mas kilala bilang si Pura Luka Vega, bilang persona non grata o “person not welcome” sa isang resolusyon na inaprubahan noong Agosto 8, 2023.
Ang deklarasyon ay kasunod ng kanyang pagtatanghal sa remix ng relihiyosong kantang “Ama Namin” sa isang lokal na bar habang nakasuot ng costume na inspired sa Itim na Nazareno.
Nag-viral sa social media ang naturang video at umani ng galit sa mga debotong Katoliko at lider ng relihiyon.
Sinabi ni 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip, principal author ng resolution sa kanyang sponsorship speech, walang pag-aalinlangan at isang paglapastangan sa relihiyon ang ginawang palabas ni Luka Vega na hindi dapat palagpasin.
Kabilang sa mga sumuporta ay si 5th District Councilor Jaybee Hizon, na ipinaliwanag pa ang kahalagahan ng Black Nazarene sa lungsod at binigyang diin na hindi dapat gamitin ang kalayaan sa pagsasalita para saktan ang damdamin ng relihiyon.
Iginiit naman ni 2nd District Councilor Ruben “Dr. J” Buenaventura, na kung gustong makatanggap ni Luka Vega ng respeto, respetuhin muna niya ang iyong sarili.
Magugunita na ang Lungsod ng Maynila ay ang ikaapat na nagdeklara kay Pagente bilang persona non grata.
Ilan sa mga unang nagdeklara ay ang General Santos City sa South Cotabato, mga Munisipalidad ng Floridablanca sa Pampanga at Toboso sa Negros Occidental.
Samantala, bukod sa ruled unwelcome o hindi katanggap-tanggap sa mga local government unit, ay nahaharap din si Pagente sa mga kasong kriminal na sinimulan ng Philippines for Jesus Movement. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News