dzme1530.ph

PBBM, kinumpirmang walang kasunduan sa China kaugnay ng pag-aalis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang kasunduan ang Pilipinas sa China na aalisin nito ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon sa Pangulo, wala siyang alam kaugnay ng anumang kasunduan na nagsasabing tatanggalin ng Pilipinas sa sarili nitong teritoryo, ang sarili nitong barko na BRP Sierra Madre.

Sinabi pa ni Marcos na kung may umiiral mang ganitong kasunduan ay kinakansela o ipinawawalang-bisa na niya ito.

Matatandaang inihayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na ilang beses umanong nangako ang Pilipinas na hahatakin na nito ang BRP Sierra Madre palayo ng Ayungin Shoal.

Ito ay kasunod ng water cannon incident o ang pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa resupply mission ng Philippine Coast Guard sa nasabing barko. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author