Dinoble ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang cash incentives ng mga atletang Pilipinong nagwagi ng medalya sa 32nd Southeast Asian Games at 12th ASEAN Para Games sa Cambodia.
Ito ang kapwa kinumpirma ng Presidential Communications Office at Philippine Sports Commission (PSC) matapos pangunahan ng Pangulo ang paggagawad ng incentives sa mga atleta sa seremonya sa Malakanyang.
Ayon sa PSC, ito ay nangangahulugan na tatapatan ng Pangulo ang kabuuang P49.7-M na nauna nang ipinamahagi sa mga atleta.
Alinsunod sa Republic Act no. 10699, ang mga atletang nakasungkit ng gold medal sa individual events sa Sea Games ay tumanggap ng P300,000 mula sa gobyerno, P150,000 para sa silver medalists, at P60,000 sa bronze medalists.
P150,000 naman ang pabuya para sa gold medalists sa ASEAN Para Games, P75,000 sa silver medalists, at P30,000 sa mga nakapag-bulsa ng bronze medal.
Matatandaang nagtapos ang Pilipinas sa panlimang pwesto sa 2023 Sea Games sa nakolektang 58 gold medal, 86 na silver, at 116 na bronze medal. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News