dzme1530.ph

PSA at BSP, pagpapaliwanagin ng Senado sa delay sa pagpapalabas ng National ID

Pagpapaliwanagin ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero sa budget hearings ang Philippine Statistics Authority (PSA) at maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay sa napakatagal nang delayed na delivery ng mga National ID.

Sa gitna ito ng hiling ng ahensya P1.6-B pondo sa ilalim ng 2024 proposed budget para mapabilis ang pag-iisyu ng National Identification Cards.

Sinabi ni Escudero na nais niyang malaman kung gaano kabilis ang target ng PSA sa pagdedeliver ng mga cards at kung kakayaning matapos ang lahat ng backlog.

Para sa susunod na taon, ang panukalang budget ng PSA ay nasa P8.8-B.

Subalit sinabi ni Escudero na bagamat nasa PSA ang pondo, ang problema ay nasa BSP na siyang nag-iimprenta ng IDs.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi katanggap-tanggap ang mahabang delayed ng printing ng IDs lalo’t inobliga ang mamamayan na magparehistro.

Sa datos, sa 77.325-M nagparehistro hanggang noong July 7, 2023, nasa 41.358-M pa lamang ang naimprenta at na-dispatch na plastic cards kung saan 34.719-M na ang nakatanggap.

May 38.608-M ang nakaprint sa papel habang 1.2-M ang dinownload na lang at sila na mismo ang nag-print.

Sinabi ni Escudero na sa panahon ng Artificial intelligence, “do it yourself” ang pagiimprenta ng ID.

Dahil anya sa delay, may 33-M pa ang hindi nagparehistro o nawawalan na ng gana sa programa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author