dzme1530.ph

Defense Sec. Teodoro at US Defense Chief Austin, tinalakay sa telepono ang pagharang ng China sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal

Nag-usap sa telepono sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at US Defense Chief Lloyd Austin.

Sa statement ni Pentagon Press Secretary Brig. Gen. Pat Ryder, tinalakay nina Teodoro at Austin ang nangyari kamakailan sa South China Sea, partikular ang pagharang ng China laban sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Nakasaad sa statement na mariing kinondena ni Austin ang paggamit ng water cannon ng China Coast Guard, pati na ang dangerous maneuvers, na naglagay sa peligro sa Philippine vessels at sa mga sakay nito.

Sinabi ng Pentagon na pinagtibay ng dalawang defense officials ang kanilang commitment na panatilihin ang rule-based order, kasabay ng pagsuporta sa karapatan ng Pilipinas na magsagawa ng naaayon sa batas na maritime activities, alinsunod sa 2016 Arbitral Tribunal Ruling, na “final and binding” sa lahat ng partido.

Muli ring inihayag ni Austin na saklaw ng mutual defense treaty ang Philippine public vessels, aircraft, at armed forces, kabilang ang coast guard assets sa Pasipiko, kabilang ang South China Sea. –sa panulat ni Lea Soriano

About The Author