Umani ng suporta sa dalawang lider ng Senado ang rekomendasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights na pabigatin pa ang mga parusang nakapaloob sa Anti Hazing Law.
Ito ay matapos ang imbestigasyon ng panel sa pagkamatay ni John Matthew Salilig sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi.
Aminado si Senate Pres Migz Zubiri na umaasa silang sa pagbalangkas nila noon ng mas mahigpit na Anti Hazing Law ay huling biktima na ng karahasan sa initiation rites sa fraternity si Horacio Atio Castillo.
Subalit muli itong nadagdagan sa katauhan ni Salilig kaya naman suportado ng lider ng Senado ang anumang rekomendasyon na makapagpapatigil na sa kultura ng karahasan sa brotherhood o sisterhood.
Muli namang nagpahayag ng mariing pagkondena si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa sinapit ng kanyang fraternity brother na si Salilig.
Iginiit ni Villanueva na bagamat miyembro siya ng Tau Gamma ay hindi niya inimpluwensyahan o pinakialaman ang pagdinig ng kumite.
Naniniwala rin si Villanueva na dapat lamang ay tuluyan nang matuldukan ang mga insidente ng pagbubuwis buhay ng mga fraternity o sorority members sa mga mararahas na initiation rites. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News