Naniniwala si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na bagamat tumitindi ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS), walang dahilan ang pamahalaan upang mag-panic buying ng mga modernong armas at kagamitan para sa Department of National Defense.
Ayon kay Escudero, asahang maraming mga nagbebenta ng armas ang lalapit sa atin dahil nararamdaman nilang oportunidad para makabenta ang tensyon sa WPS.
Pero dapat anyang maging picky buyer ang pamahalaan dahil wala tayong sobra-sobrang pondo.
Iginiit ng senador na kailangang maging mapili ang pamahalaan tulad sa pagbili ng gamot kung saan ang paalala ay piliin kung ano ang mabisa at abot-kaya at huwag pa-budol sa quack medicine.
Pinaalalahan pa ni Escudero ang pamahalaan hindi dapat magpadalos dalos sa kabila ng panibagong pambu-bully ng China.
Dapat anyang maging matalino sa pagbili ng mga armas at kagamitan kasabay ng apela na huwag gamitin na pambili ng armas ang pondo para sa pagsasaka dahil mas mapanganib na kaaway ang gutom.
Mahalaga din anyang makunsidera ang kakulangan natin sa eroplano, barko at motor vehicle sa pagtugon sa mga kalamidad. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News