Nadagdagan ang bilang ng mga Pilipino na mahirap, batay sa datos na nakalap ng Social Weather Stations (SWS) noong ika-apat na Quarter ng 2022.
Sa Disyembre 10 hanggang 14, 2022 SWS Survey na nilahukan ng 1,200 respondents, umakyat sa 51 percent o tinatayang 12.9 milyong mga Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, bahagyang mataas mula sa 12.6 million o 49 percent noong Oktubre ng kaparehong taon.
Lumitaw din sa survey na 31 percent ang itinuring ang kanilang mga sarili na nasa “borderline” na ang ibig sabihin ay nasa pagitan ng “poor” at “not poor,” habang 19 percent ang nagsabing hindi sila mahirap.
Sa kaparehong survey, lumabas na 34 percent ng Pamilyang Pilipino ang itinuring ang kanilang sarili na food-poor, habang 38 percent ang nasa food borderline, at 28 percent ang hindi food-poor.
Ayon sa SWS, kumpara noong Oktubre 2022 ay hindi nagbago ang porsyento ng food-poor families, food borderline families, at not food-poor families.