Aminado si Senador Jinggoy Estrada na nababahala siya sa probisyon sa ipinapanukalang National Defense Act na obligahin ang mga enabled-body o mga 18 anyos pataas na magkaloob ng military service sa panahon ng giyera.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, direktang tinanong ni Senador Jinggoy Estrada si Defense Undersecretary Ireneo Espino kung ano ang kanilang stand sa naturang probisyon.
Sinabi ni Espino na malinaw na nakasaad sa konstitusyon na tungkulin ng bawat citizen ng bansa ang protektahan ang bansa at ang ating teritoryo.
Dahil dito anya ay inirerekomenda nila na ibalik ang mandatory ROTC sa kolehiyo.
Sinabi ni Estrada na nakababahala na kung isasabak agad sa giyera ang mamamayan lalo na ang kabataang edad 18 anyos pataas nang hindi pa naman sumasalang sa military training.
Sinabi ni Espino na kung isasabak bilang frontliners sa giyera ang mga walang military training ay tiyak silang mapapahamak kaya maaari silang italaga sa logistics, medical services o iba pang serbisyo.
Idinagdag ng opisyal na ganito rin anya ang sistema sa ibang bansa tulad ng Israel at Singapore. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News