dzme1530.ph

Pilipinas, nagpadala na ng panibagong note verbale sa China

Nagpadala na ng note verbale sa Chinese embassy ang Pilipinas kasunod ng water cannon incident o ang pagbubuga ng tubig ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Sa ambush interview sa Bulacan, inihayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na pinuntahan na ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ngayong araw ng Lunes, upang ipaabot ang note verbale.

Kasama rin sa mga ipinadala ang mga litrato at video ng water cannon incident.

Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na magkakaroon sila ng command conference mamaya kasama ang Armed Forces of the Philippines kaugnay ng kanilang magiging tugon sa insidente.

Kasabay nito’y tiniyak ni Marcos na patuloy nilang ipaglalaban ang soberanya at karapatan sa teritoryo ng bansa, alinsunod sa International Law. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author