dzme1530.ph

PBBM, nakipagtalo sa ilang opisyal ng Pampanga

Nakipagtalo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ilang opisyal ng Pampanga matapos nilang tutulan ang planong gawing water impounding area ang bayan ng Candaba at iba pang munisipalidad.

Ito ay sa harap ng hindi pa rin humuhupang baha sa maraming lugar sa lalawigan matapos ang magkakasunod na bagyo at habagat.

Sa situation briefing sa Kapitolyo ng Pampanga, inilatag ni former DPWH Sec. Rogelio Singson na gawing water impounding o imbakan ng tubig ang Candaba at San Antonio swamp, at ire-release lamang ito kapag maayos na ang carrying capacity ng Pampanga river.

Mariin naman itong tinutulan ni Pampanga 4th District Rep. Anna York Bondoc, at nagbanta pa itong magwa-walkout.

Ito ay dahil maaari umanong masira ang industriya ng palay sa nasabing bayan.

Suportado ito ni Candaba Mayor Rene Maglanque at iginiit nito na nasa 9,000 magsasaka ang maaapektuhan ng water impounding plan.

Kaugnay dito, kapwa iminungkahi nina Bondoc at Maglangue na ipagpatuloy na lamang ang dredging activities bilang solusyon sa mga baha.

Ipinaliwanag naman ni Pangulong Marcos na bukod sa napakalaking gastos, short-term o panandalian lamang ang solusyong naibibigay ng dredging, at paglipas umano ng apat hanggang anim na buwan ay babalik din sa dati ang mga hukay.

Tiniyak din ni Marcos na hindi pababayaan ang mga maaapektuhang magsasaka, at magbibitiw umano siya sa pwesto kapag hindi sila nabigyan ng bagong kabuhayan o bagong mga lupang sakahan. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author