Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang uri ng government assistance sa mga nasalanta ng magkakasunod na bagyo at habagat sa Pampanga.
Sa seremonya sa San Fernando City, ipinamahagi ang food packs, at 10,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 1,000 benepisyaryo ng assistance to individuals in crisis situation.
Itinurnover din ng Department of Labor and Employment ang P2.3-M na halaga para sa 500 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Ibinigay din ang P6.4-M na halaga ng livelihood assistance sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program, para sa mga lokal na pamahalaan ng Candaba, Macabebe, Masantol, Arayat, Porac, at Santa Ana.
Samantala, iniabot din ang P21.6-M na certificate mula sa Department of Agriculture, para sa 13,354 sako ng certified seeds, 186 sako ng hybrid yellow corn, 15 sako ng open pollinated variety, at assorted vegetable seeds.
Binigyan din ng P15-M tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, at P1-M hanggang P2-M sa bawat LGU. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News