Kabuuang 196 na lugar sa bansa ang nasa ilalim ng state of calamity bunsod ng pinagsamang epekto ng bagyong Egay at ng habagat.
Sa pinakahuling situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang rehiyon ng Ilocos ang may pinakamaraming lalawigan, lungsod, at munisipalidad na isinailalim sa state of calamity, na nasa 62.
Sumunod ang Cordillera Administrative Region, 44; Central Luzon, 36; Cagayan Valley, 29; CALABARZON, 25; at MIMAROPA, 2.
Napako naman sa 27 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng kalamidad habang 13 ang napaulat na nawawala at mahigit 140 katao ang nasugatan.
Umabot na rin sa 2.9-M katao ang naapektuhan ng bagyong Egay at ng habagat sa mahigit 4,700 mga barangay sa buong bansa. –sa panulat ni Lea Soriano