Naniniwala si Senador Chiz Escudero na napapanahon nang magtatag ng Department of Water upang itrato na ang tubig bilang basic utility katulad sa kuryente.
Sa gitna ito ng problema ng bansa sa malawakang pagbaha bunsod ng walang tigil na buhos ng ulan at sa gitna ng paghahanda sa El Niño.
Ipinaliwanag ng senador na sa aspeto ng kuryente, kahit sa mga malalayong lugar ay naaabutan pa rin ng serbisyo dahil ito ay napangangasiwaan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Subalit sa usapin sa tubig ay wala itong katumbas na pamamahala kaya’t ang sobra-sobrang suplay sana ng tubig sa isang lugar ay hindi rin nadadala sa lugar na kulang o wala talagang suplay.
Naniniwala si Escudero na dapat nang itrato ang tubig bilang basic utility tulad sa kuryente sa pamamagitan ng paglikha ng Department of Water Resources Management na mangangasiwa at reresolba hindi lang sa suplay ng tubig kundi maging sa pangangasiwa sa mga dam para solusyunan ang problema sa baha.
Pinuna rin ng mambabatas ang tila kanya-kanyang flood control projects ng DPWH sa mga LGUs na dapat ay interconnected upang maiwasan ang pagbaha. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News