dzme1530.ph

Sen. Hontiveros, umaasang hindi lang mababang opisyal ng DA ang mapapanagot sa sinasabing iregularidad sa ahensya

Umaasa si Senador Risa Hontiveros na hindi lamang mababa o mid-level officials ng Department of Agriculture (DA) ang maparurusahan sa mga sinasabing iregularidad sa suplay ng produktong agrikultural.

Ito ay kasunod ng inilabas na suspension order ng Ombudsman sa mga opisyal ng DA na sinasabing sangkot sa umano’y maanomalyang kasunduan sa onion supplier ng Kadiwa stores.

Naniniwala si Hontiveros na sa gitna ng onion crisis, naging sunud-sunuran ang mga opisyal ng DA sa mabilisang paghahanap ng mga supplier ng sibuyas sa Kadiwa stores sa kahit na anong presyo.

Ang puno’t dulo anya kung bakit may nag-tumbling at nagkandarapang mga opisyal ay para pagbigyan ang gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglagay ng maraming sibuyas sa kanyang Kadiwa stores.

Iginiit ng senador na ganito ang nangyayari sa mga tinawag niyang sunud-sunurang naniniwala sa mga boss na nagsasabing, “Ako ang bahala sa’yo.”

Ipinaalala ng mambabatas na ang public office ay public trust.

Umaasa anya siya na palaging mapaalalahanan ang mga government officials at public servants kung sino ang kanilang dapat na pagsilbihan at ito ay ang taumbayan.

Kabilang sa pinatawan ng suspensyon ng Ombudsman sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, DA administrative officer Eunice Biblanias, DA officer-in-charge chief accountant Lolita Jamela, FTI vice president for operations John Gabriel Benedict Trinidad III at FTI budget division head Juanita Lualhati. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author