dzme1530.ph

3 tauhan ng BuCor, sinibak sa serbisyo ni BuCor Chief Gen. Catapang

Ipinag-utos ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang ang agarang pagsibak sa serbisyo ng tatlo sa kanyang mga tauhan na napatunayang guilty sa grave misconduct.

Sinibak sa serbisyo sina Correction Officers II Marlon Esguerra, Zol PG Plenos at Prison Guard 1 Ernesto Dionglay Jr.

Ipinag-utos din ni Catapang na isuko ni Plenos ang kanyang government issued firearm.

Sinabi ni Catapang na dapat itong magsilbing babala sa iba pang mga tauhan ng BuCor na gumawa ng mabuti at iwasan masangkot sa katiwalian.

Si Esguerra ay dating nakatalaga sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison noong Mayo 4, 2018 at napatunayang nagkasala ng grave misconduct nang siya ay mahulihan ng pitong brick ng tabako na itinago niya sa kanyang sinturon.

Inamin din ni Esguerra na nagawa niya ang mga paglabag at pagkakasala dahil umano sa problema sa pananalapi.

Si Plenos naman ay nakuhanan ng anim na piraso ng La Reyna Tobacco habang papasok sa Gate 4 ng MaxSeCom noong Agosto 23, 2017 kung saan inamin niya ang mga kaso laban sa kanya.

Habang si Dionglay naman ay naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force sa Gate 4 Annex ng Maximum Security compound matapos mahulihan ng 46.55 gramo ng hinihinalang shabu na itinago naman sa kanyang underwear. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author