Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na gamitin ang kapangyarihan ng wika para sa patuloy na pagsulong at pagdadala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon.
Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, inihayag ng Pangulo na sa gitna ng pagsulong ay dapat alalahanin ang halaga ng Wikang Filipino, ang pamana nito, at ang kulturang nagbubuklod sa atin bilang isang bansa.
Kaugnay dito, pinayuhan ni Marcos ang mga Pilipino na huwag lamang limitahan ang paggamit sa wika sa pagbuo ng kaisipan at paraan ng komunikasyon.
Hinihimok din ang lahat na ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng pag-unlad.
Kasabay nito’y hinimok ng Pangulo ang lahat na ipakita ang pagmamahal sa bayan sa kani-kanilang paraan, upang mangibabaw ang wika at kultura sa pagbuo ng ating pagkakakilanlan. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News