Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan na patuloy na suportahan ang pag-develop ng sports sa bansa.
Sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2023 sa Marikina City, hinimok ng Pangulo ang DepEd na gamitin ang kanilang resources para sa pagsasanay ng student-athletes upang patuloy na mahulma ang kanilang mga talento at sportsmanship.
Matatandaang kasamang dumalo ni Marcos sa opening ng Palarong Pambansa si Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte.
Samantala, hinikayat din ng chief executive ang mga LGU na itaguyod ang partisipasyon ng mga paaralan sa sports competitions.
Pinuri rin ni Marcos ang mga atleta sa pagiging ehemplo ng husay, integridad, at sportsmanship sa pamamagitan ng disiplina at matinding pagsasanay.
Nagbabalik ang Palarong Pambansa matapos ang tatlong taong kanselasyon dahil sa COVID-19 pandemic. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News