dzme1530.ph

Senado, maglalabas ng panibagong resolusyon na kumokondena sa harassment ng China sa West Philippine Sea

Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na pabor na ang mayorya ng mga senador na aprubahan ang resolusyon na nagdedeklara ng sense of the Senate na kumokondena sa pangha-harass ng China sa mga Pinoy sa West Philipine Sea.

Ito ay matapos ang isinagawang closed door meeting ng mga senador kasama sina National Security Adviser Eduardo Año, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at AFP Chief of Staff Romeo Brawner.

Sinabi ni Zubiri na nagkasundo na ang mga senador na pagsamahin ang mga probisyon ng kanyang Senate Resolution 707 at Senate Resolution 659 ni Senador Risa Hontiveros kaugnay sa pambubully ng China sa WPS at pananatili ng mga Chinese Coast Guard at Chinese militia vessels sa pinag-aagawang teritoryo.

Inilarawan naman ng senate leader ang executive session bilang ‘cordial, straightforward at productive’ na naglalayong matukoy ang tunay na sitwasyon sa WPS at bumalangkas ng posibleng rekomendasyong ihahain sa Malakanyang.

Inaasahan namang muling tatalakayin sa plenaryo ng Senado ngayong araw nito ang resolusyon kasama na ang rekomendasyon ni Hontiveros na himukin ang gobyerno na iakyat na sa United Nations General Assembly ang usapin. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author