Ipinabatid ni European Commission President Ursula Von Der Leyen ang suporta ng European Union sa 2016 Arbitral Ruling, na nag-deklarang pag-aari ng Pilipinas ang mga islang inaangkin ng China sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang bilateral meeting ni Von Der Leyen kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malakanyang ngayong araw ng Lunes.
Sa joint statement sa Palasyo, inihayag ni Von Der Leyen na ang 2016 Arbitral Award ay “legally binding”, at ito ang nagbibigay ng batayan para sa mapayapang pag-resolba sa West Philippine Sea dispute
Suportado rin ng EU ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific na ito umanong susi sa kapayapaan at kasagahanan sa rehiyon.
Kaugnay dito, sinabi ng EU Commission Chief na handa silang paigtingin ang Maritime Security Cooperation sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalitan ng impormasyon, pagsasagawa ng threat assessment, at pagtulong sa pagpapalakas ng National Coast Watch Center at Philippine Coast Guard.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa EU Commission President at umaasa ito na ang kanilang bilateral meeting ang maghuhudyat sa mas malakas at mas malalim pang ugnayan ng Pilipinas at EU. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News