dzme1530.ph

AFP pension system, nais ihiwalay sa sistema ng ibang uniformed personnel

Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na mas nais ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ihiwalay ang kanilang pension fund sa iba pang uniformed personnel.

Sinabi ni Zubiri na batay sa pakikipag-usap niya kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, ipinagbigay-alam nito na maraming assets ang AFP na maaari nilang pagkakitaan sa pamamagitan ng joint venture o maaaring ipa-develop sa malalaking kumpanya at ang kikitain dito ay ilalagay sa kanilang pension fund.

Kinumpirma rin ng senate leader na may isusumiteng panukala sa Senado si Teodoro ukol dito upang mapag-aralan ng mga senador partikular ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.

Sinabi ni Zubiri na kapag naikunsidera ang posibleng kita sa assets ng military, maaaring hindi na kaltasan ang sahod ng mga sundalo para sa kontribusyon sa kanilang pension o kung kaltasan man ay mas maliit na halaga na lang.

Ayon kay Zubiri, mahalaga munang masuri ang sinasabing mga assets ng AFP para malaman kung uubra nila itong ibenta.

Una rito sinabi ni Senator Imee Marcos na tututulan niya ang panukalang pagbayarin ng kontribusyon ang mga sundalo at pulis para sa kanilang pension.

Ayon kay Marcos, kung susuriin ang sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa SONA, tutol din ito na tapyasan ang sahod ng mga sundalo para sa kanilang pensyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author