dzme1530.ph

Imbestigasyon ng Senado kaugnay sa paglubog ng bangka sa Binangonan, Rizal, suportado ng dalawang senador 

Pabor sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senador Bong Go na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa paglubog ng passenger boat sa Binangonan, Rizal.

Iginiit ni Pimentel na maaaring silipin  ang pagpayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang Princess Aya ilang oras pagkatapos lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Egay.

Ayon sa Senate Minority Leader Koko Pimentel, masyadong maaga ang pag-lift ng PCG sa ‘no sailing order’.

Sinabi ng senador na kahit nakalabas ng bansa ang bagyo ay ramdam pa rin ang bugso ng malakas na hangin at tuluy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Magkagayunman, hiniling din ng senador na ipagdasal din ang mga tauhan ng PCG na nagbuwis ng buhay at sa ipinamalas na katapangan para matulungan ang ating mga kababayang ma-i-rescue sa gitna ng kalamidad.

Tulad ni Pimentel, sinabi ni Go na mahalagang masiyasat ito ng Senado dahil ang bulto ng mga nasawi sa bagyong Egay ay mula sa pagtaob ng bangka.

Iginiit ni Go na dapat tukuyin ang tunay na pangyayari at papanagutin ang mga dapat managot. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author