Asahan pa rin ang maulang panahon sa susunod na tatlong araw sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas ayon sa PAGASA.
Batay sa pinakahuling bulletin na inilabas ng state weather bureau, pinalalakas ng bagyong Falcon at tropical storm Egay, na nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang southwest monsoon o hanging Habagat.
Dahil dito, naglabas ng heavy rainfall warning ang PAGASA sa lalawigan ng Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro dahil sa monsoon rains.
Uulanin din ngayong araw ang Metro Manila, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, at Northern Palawan; kabilang ang Calamian at Cuyo islands, na epekto ng Habagat.
Makararanas pa rin ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang eastern Visayas at CARAGA dahil sa trough o extension ng bagyong Falcon.
Mararamdaman din ang kaparehong panahon sa Cordillera Administrative Region, Bicol region, rest of Visayas; Central Luzon; CALABARZON; Ilocos region, at MIMAROPA dala pa rin ng hanging Habagat. –sa panulat ni Joana Luna