Isang R44 Raven helicopter ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) na may registry number na RP-C189 ang nag-emergency landing sa Sitio, Babahagon, Lantapan, Bukidnon.
Ayon sa CAAP, base sa impormasyon ng Laguindingan Tower at ayon sa Air Traffic Control (ATC) na naka-duty, walang isinumite ang PAMAS na flight plan operation.
Kinumpirma naman ni CAAP Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) Chief Reineer Baculinao ang insidente sa pakikipag-ugnayan nito sa PAMAS habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Napag-alaman na dalawang piloto at dalawang pasahero ang nakasakay sa chopper at sa kabutihang palad, lahat ay nakaligtas.
Wala namang kritikal o nagtamo ng malaking pinsala maliban sa isang pasahero na dinala sa hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Nabatid na si Jared Hoewing, PAMAS helicopter pilot, ang nagpalipad ng helicopter malapit sa base sa Valencia City, Bukidnon, na may humigit-kumulang 3,000 feet ang taas nang mawalan ng kuryente ang helicopter, kaya napilitan itong mag-emergency landing sa isang banana field mga 5 kilometro mula sa airbase. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News