dzme1530.ph

Planong merger ng Landbank at DBP, pinabubusisi sa Senado

Pinabubusisi ni Senador Win Gatchalian sa Senado ang ipinapanukalang pagsamahin ang Landbank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP).

Sa impormasyon ng senador, posible itong mangyari sa kalagitnaan ng 2024.

Sa kanyang Senate Resolution 697, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang timbangin ng Senado ang kabutihan at kasamaang maidudulot ng merger.

Ito ay upang matiyak na hindi magkakaroon ng mabigat na epekto sa mga pangangailangan ng agriculture, infrastructure, at industrial sectors, ang pagsasanib na ito.

Partikular din anyang dapat matutukan ang mga micro-small-and-medium enterprises, at tiyaking hindi mapapabayaan ang pokus ng gobyerno sa pag-develop ng mga nabanggit na sektor.

Dapat din anyang matukoy ang mga posibleng panganib na dulot ng merger sa banking industry at sa ekonomiya sa kabuuan.

Batay sa datos hanggang nitong December 31, 2022, ang panukalang merger ay bubuo ng largest banking institution na may estimated asset size na P4.18-T.

Mababawasan din nito ang redundancies at inefficiency sa operasyon na magreresulta sa P5.3-B savings kada taon.

Sa resolution, pinatitiyak ni Gatchalian sa gobyerno na kung maisakatuparan ang merger dapat mabantayang mabuti ang operasyon upang matiyak na nagagamit nang tama ang goverment assets and resources. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author