Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang tulong ng gobyerno para sa mga biktima ng Bagyong “Egay”.
Siniguro ng Pangulo na naihahatid pa rin ang tulong kahit na maraming kalsada ang hindi madaanan, at nagpapatuloy din ang pag-rescue sa mga na-stranded sa baha.
Bibigyan din ng seedlings ang mga magsasaka na napinsala ang mga pananim.
Batid na rin umano ni Marcos ang sitwasyon sa kanyang home province na Ilocos Norte na isa sa mga pinakalubhang sinalanta ng bagyo.
Iginiit ng Pangulo na bago pa man mag-landfall ang bagyo ay inatasan na niya ang lahat ng kaukulang ahensya at local government units na i-deploy ang kanilang rescue teams, at i-preposition ang food packs lalo na sa hilagang luzon.
Sinadya niya rin umanong hindi pasamahin sa kanyang state visit sa Malaysia ang mga opisyal ng disaster response offices, upang matutukan nila ang sitwasyon at makapagsumite sila ng report sa Pangulo.
Sinabi ng chief executive na kada araw ay dalawang beses siyang nakatatanggap ng reports mula kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, mula sa PAGASA, at sa Philippine Coast Guard. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News