Bagama’t aminadong gigil na rin sa mga harassment na ginagawa ng China sa West Philippine Sea, sinabi ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Imee Marcos na dapat maghinay-hinay pa rin ang Senado sa mga aksyong gagawin na may kinalaman sa territorial dispute.
Ito ay may kaugnayan sa usapin hinggil sa resolusyon ni Senador Risa Hontiveros na humihikayat sa gobyerno na idulog na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang isyu ng panghihimasok at pambubully ng China sa loob ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Marcos na hawak na natin ang tagumpay sa Permanent Court of Arbitration makaraang katigan ang ating laban para sa exclusive economic zone.
Nangangamba si Marcos na kapag idinulog sa UNGA ang isyu ay posibleng hindi natin makuha ang sapat na boto pabor sa ating ipinaglalaban at magiging dahilan ng paghina ng naging arbitral ruling ng The Hague.
Sinabi ni Marcos na maraming pwedeng gawin ang gobyerno at ilan sa mga ito ay natalakay na sa nakaraang state visit ng Pangulo sa China noong Enero kabilang ang joint fishing zone sa Spratly at Scarborough Shoal, pagpapahusay at pagiging bukas palagi ng komunikasyon sa pagitan ng China at Pilipinas at mas maayos na pangangasiwa sa sitwasyon sa Ayungin Shoal.
Tiwala naman ang mambabatas na may pag-asa pa rin na magkakaroon ng unawaan sa pagitan ng Pilipinas at China lalo’t makikita naman sa kasaysayan na kahit kailan ay hindi tayo sinakop ng China. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News