Taliwas sa pangako ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, bigo ang mga senador na aprubahan ang Senate Resolution 659 na nananawagan sa gobyerno na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) upang pigilan ang China sa pangha-harass at pambu-bully sa loob ng ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa gitna ito ng mahabang interpolasyon ni Senador Alan Peter Cayetano makaraang tukuyin niya na ang Vietnam, Malaysia at Taiwan ay mayroon ding disputes sa teritoryo ng Pilipinas.
Kaya’t kinuwestyon nito kung bakit nakatutok lang sa China ang Senado at hindi kasama ang mga nabanggit na bansa.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Risa Hontiveros na ang China lamang ang subject ng landmark ruling ng Permanent Arbitration Court na nagbabasura sa nine-dash line claims sa West Philippine Sea.
Subalit hirit ni Cayetano na dapat idaan sa tamang paraan ang pag-address sa isyu at hindi sa pagbubunyag sa kalaban ng magiging istratehiya ng Pilipinas.
Paglilinaw ng senador na kung ang intensyon sana ng resolusyon ay kondenahin at manindigan laban sa pambubully ng China ay unanimous at nagkakaisa rito ang mga senador.
Idinagdag pa ni Cayetano na maaari ring mabulgar ang lahat ng negosasyon ng Presidente kaya mahalagang magsagawa muna ng konsultasyon tungkol dito ang Senado.
Dahil dito, magsasagawa ng caucus ang Senado sa Lunes pagkatapos ng sesyon para talakayin ang mga concerns na lumutang sa gitna ng sponsorship ng nasabing panukala.
Iimbitahan sa caucus sina West Philippine Sea Presidential adviser Gen. Andres Centino, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Chief Ricardo de Leon at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News