Nais ni Senador Raffy Tulfo na magsagawa ang Senado ng inquiry in aid of legislation kaugnay sa sinasabing improper, unfair, non-transparent at mapang-abusong grading practices ng isang private higher education sa Maynila.
Sa kanyang Senate Resolution 700, binanggit ni Tulfo ang kaso ng 140 graduating Civil Engineering students sa University of Manila na nagreklamo ng hindi patas na grading system kaya’t nabinbin ang kanilang graduation.
Nakasaad sa resolusyon ang reklamo ng ilang graduating students na pinakuha sila ng dalawang final examinations para sa 2nd semester ng School Year (SY) 2022-2023.
Gayunman, hindi umano ipinakita sa mga estudyante ang resulta ng mga pagsusulit.
Nakasaad din sa resolution na noong deadline ng application for graduation noong July 6, ipinaalam ng unibersidad aa 140 graduating Civil Engineering
Students na bagsak ang mga ito sa apat na subjects na itinuturo ng iisang professor.
At sa halip na ilabas ang breakdown ng grado ng mga estudyante, sinabi ng professor na dapat mag-retake ng final examinations sa apat na major subjects.
Nang kwestyunin ito ng mga estudyante, nakatanggap sila ng pagbabanta.
Bukod sa Engineering students, 170 Accountancy Students din ng unibersidad ang nagreklamo rin ng improper, unfair, non-transparent, at abusive grading practices, bukod pa sa improper at fraudulent crediting of units.
Dahil dito, nais ni Tulfo na imbestigahan sa Senado kung may paglabag ang unibersidad sa Education Act of 1982 at iba pang batas may kaugnayan sa edukasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News