Matapos na muling umani ng batikos mula sa netizens, nagpaliwanag si Senador Robin Padilla kaugnay sa kanyang hand gesture habang inaawit ang Lupang Hinirang.
Napuna ang hand gesture ni Padilla na sa halip na nakalapat na kanang kamay sa kaliwang dibdib ay nakaturong hintuturo ang nakapatong sa kanyang dibdib habang inaawit ang national anthem noong SONA.
Sa paliwanag ni Padilla, bahagi ng kanyang pananampalataya ang hand gesture na tinatawag na “Kalima La Ilaha Ilalah”
Sinabi ni Padilla na para sa kanya ay pinakamahalaga ang kanyang pananampalataya kaya palagi niyang ginagawa ang hand gesture tuwing umaawit ng Lupang Hinirang.
Katunayan, ayon kay Padilla, mas nanaisin niyang magbitiw sa tungkulin kung pagbabawalan siyang i-practice ang kanyang pananampalataya.
Iginiit pa ng senador na kung hindi siya magtatagumpay sa pagsusulong ng federal parliamentary form of government ay mas nanaisin niyang magtungo sa Malaysia at pag-aralan ang Koran. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News