dzme1530.ph

Ilang senador, hindi kuntento na pinag-resign lang ang mga PNP official na sangkot sa iligal na droga

Hindi kuntento ang mga senador na pinagresign lamang ang mga opisyal ng Philippine National Police na isinasangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Iginiit ng mga senador na dapat kasuhan at papanagutin ang mga heneral at colonel na sinasabing may koneksyon sa droga.

Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, dapat gamitin ang full force of the law laban sa mga ito upang magsilbing babala sa iba pang kagawad ng pulisya dahil kung hindi ay mauulit at mauulit ito.

Sa panig ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., good first step ang resignation subalit dapat may mga kasunod na hakbangin tulad ng pangangalap ng mga ebidensya at pagpapanagot sa mga sangkot sa iregularidad.

Iginiit naman ni Senador Francis Chiz Escudero na kung sadyang sangkot sa droga, dapat masampahan ang mga ito ng kasong kriminal at administratibo.

Ganito rin ang pananaw ni Senador Jinggoy Estrada na nagsabing ilang tao ang masisira ang buhay dahil sa droga kaya’t dapat silang managot.

Samantala, iginiit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na dapat ilantad ng gobyerno ang proseso sa ginawang paghuhusga sa mga pulis at kung sadyang may kasalanan ay dapat na kasuhan ang mga ito at kung hindi naman ay dapat linawin dahil may pamilya rin silang kailangang buhayin.

Binigyang-diin naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat sundan ang ebidensya laban sa mga pulis at kung sapat ang mga ito para sa criminal conviction ay agad nang isampa ang kaso laban sa kanila. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author