Bagama’t tila hindi rin kumbinsido, nanindigan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumaba na sa 4.3% ang unemployment rate sa bansa.
Ito ay makaraang tanungin ni Senador Jinggoy Estrada sa pagdinig ng Senate Committee on Labor kaugnay sa National Apprenticeship program ang DOLE kung ano ang batayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pahayag nito sa kanyang State of the Nation Address na nasa 95% na ang employment rate sa bansa.
Sinabi ni DOLE Undersecretary Carmela Torres, sinusunod lamang din nila ang resulta ng labor force survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority dahil ito ang regular na nagsasagawa ng pag-aaral kaugnay sa labor force.
Gayunman, bagama’t bumaba anya ang unemployment rate ay mataas pa rin naman ang underemployment o nangangahulugan na marami pa ring Pinoy ang hindi kuntento sa kanilang trabaho.
Nang tanungin ni Estrada si Torres kung naniniwala sila sa datos, sinabi nito na yun ang statistics ng PSA. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News