Susuporta ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pag-alis ng mga paghihigpit sa COVID-19 protocol alinsunod sa Proclamation Order No. 297 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na opisyal nang tinapos ang estado ng public health emergency sa bansa.
Ayon sa MIAA ang Department of Transportation (DOTr) ay naglabas ng Department Order 2023-017 noong July 22 na nag-uutos sa mga ahensya sa ilalim nito na ipatupad ang direktiba ng Pangulo.
Ito’y base sa advisory ng Department of Health (DOH) na nagdedeklara sa pagtanggal ng paghihigpit sa COVID-19 protocol sa lahat ng biyahero gayundin ang pagsusuot ng facemask sa pampublikong transportasyon.
Samantala ang Civil Aeronautics Board (CAB) ay naglabas ng parallel advisory na nagsasaad na ang lahat ng mga order na may kaugnayan sa COVID-19 ay wala nang bisa at maaari nang ihinto ng mga Airlines Company.
Gayunpaman, ayon sa MIAA, ang DOH, sa pamamagitan ng Bureau of Quarantine (BOQ), sa NAIA ay patuloy na susubaybayan ang mga papasok na pasahero at sasailalim sa karagdagang pagsusuri sa mga nakitaan ng mga sintomas tulad ng trangkaso. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News