dzme1530.ph

Mga hiling na panukalang batas ni PBBM sa Kongreso, nakakuha ng suporta sa Senado

Nagpahayag ng suporta si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero sa mga hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isabatas ng Kongreso.

Kabilang dito ang bagong procurement at audit law, amnestiya para sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde at batas ukol sa agricultural smuggling.

Ayon kay Escudero, kuntento siya sa mga inilahad ng Pangulo sa SONA dahil ito ay detalyado kahit medyo mahaba.

Kumbinsido rin si Escudero sa sinabi ng Pangulo na gumaganda at humuhusay na ang estado ng bansa.

Gayunman, wala pa anya tayo sa hinahangad natin na magandang estado ng bansa kaya kahit ang Pangulo ay nagsabi na parating pa lang ang Bagong Pilipinas.

Maging si Senator JV Ejercito ay naniniwalang malayo pa ang ating tatahakin at marami pa tayong mga hamon na kahaharapin bago matamo ang Bagong Pilipinas

Pero ang mahalaga anya ay inilahad at itinakda ng Pangulo ang direksyon na ating tatahakin o ang mga program at proyekto na ipapatupad.

Ikinatuwa ni Ejercito na binanggit ng Pangulo sa SONA ang dalawang sa kanyang pangunahing isinusulong para sa infrastructure development at ang pagpapatupad ng universal healthcare acts. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author