Kinuwestyon ng Senate Minority group ang datos na iprinisinta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa employment rate sa bansa.
Sa kanyang SONA kahapon, ipinagmalaki ng Pangulo na umabot na sa 95.7% employment rate, bagay na ikinagulat ng minorya.
Dahil dito, nananawagan si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa Office of the President na reviewhin ang datos na naibigay kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ipinaliwanag ni Pimentel na ang 95.7% na employment rate ay nangangahulugan na ng full employment o lahat ng Pilipino ay may trabaho.
Sadya anyang hindi ito kapani-paniwala dahil marami pa ang bilang ng walang trabaho sa Pilipinas.
Tanong ni Pimentel kung saan at sino ang nagbigay ng datos sa Pangulo na anya’y far from reality.
Para naman kay Senador Risa Hontiveros, overstated ang naturang pahayag.
Bukod dito, sinabi ng senadora na premature na sabihing ‘The State of the Nation is Sound’. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News