Nag-preposition na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 134,000 family food packs sa harap ng inaasahang pananalasa ng Bagyong “Egay”.
Sa update ng DSWD, mahigit 79,000 food packs ang nakahanda na sa National Resource Operations Center sa Pasay City, at mahigit 54,000 food packs sa Visayas Disaster Resource Center.
Bukod dito, naghatid na rin ang ahensya ng daan-daang food packs sa batanes sa pamamagitan ng C-295 aircraft ng Philippine Air Force.
Mayroon ding P98.96-M na quick response fund sa DSWD Central Office, at P75.13-M sa DSWD field offices.
Matatandaang inabisuhan na ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang lahat ng regional directors na maging alerto sa harap ng posibleng epekto ng Bagyong Egay.
Dahil din sa bagyo ay sinuspinde ng Malakanyang ang klase sa lahat ng antas sa public schools at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa NCR ngayong araw ng Lunes, kasabay na rin ng tatlong araw na tigil-pasada ng iba’t ibang transport groups. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News